May mga bagay na madalas pag nakita mo masasaktan ka. May mga bagay na kahit walang pangalan na nailagay alam mong ikaw yung tinutukoy. Yun bang simpleng bagay na gawin mo may masasabi s'ya. Ang masakit pa dun, e pinaparinig nya pa sa'yo o di kaya nama'y sadyang ipinapahalata sa'yo. Hindi nga naman masama na mag-bigay ng opinyon tungkol sa isang bagay. Lahat naman tayo ay may karapatan na sabihin kung anu ang tingin natin sa bagay-bagay. Ngunit pakatandaan natin na ang lahat ng bagay ay may kanya-kanyang limitasyon. Hindi mo dapat isipin lamang ang iyong sarili. Paano na lamang kung sa iyo ginawa iyon? Ikatutuwa mo ba? Oo nga't maganda, matalino at maayos ang kalagayan mo sa lipunan. Ngunit hindi iyon dahilan upang maliitin mo ang mga nasa mas mababang antas. Dahil hindi mo alam, may isang bagay na wala ka na mayroon s'ya. Tigilan na natin ang pagiging mapanghusga sa kapwa. Pakatandaan natin na ang mga salitang isinasambit natin ay sumasalamin sa kung anung klaseng personalidad ang mayroon tayo.
Para naman sa mga taong nakatatanggap na masasakit na salita galing sa kapwa, ito naman ang maipapayo ko. Huwag makipagsabayan sa galit ng iyong kapwa. Kung minamaliit ka man nya o pinagsasabihan ng masasakit na salita hayaan mo na lang. Hindi ka dapat makipagpalitan ng mamasakit na salita dahil kung ganoon ang iyong gagawin ay wala ka ring pinagkaiba sa kanya. Ituon ang atensyon sa mas makabuluhang bagay. Subukan mong magbasa ng mga libro, o di kaya nama'y sumubok ng bagong isports. Kung ikaw naman ay mag-aaral, ituon na lang ang atensyon sa pag-aaral. Gawing makabuluhan ang bawat araw, huwag mong sayangin ang isang araw na binigay sa iyo ng Diyos. Huwag hayaan ang mga pangit na komento na sirain ang pagkatao mo. Maganda rin naman na alam mo kung anu ang pangit sa iyong sarili. Ngunit huwag itong gawing dahilan upang mas ibaba mo pa ang iyong sarili. Bagkus, gawin mo itong inspirasyon. Kung alam mo sa iyong sarili na may pagkukulang ka sa parteng iyon ng iyong buhay, mag-sikap ka upang mapagbuti mo ang pagkukulang mong iyon. Lahat tayo ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Walang pangit, mayaman o matalino sa mata ng Diyos. Tayo ay pantay-pantay. Ang lahat ng bagay na mayroon ang isang tao ay hindi nya madadala sa langit.
Tandaan, kung ikaw naman na ay ang nasa itaas ay wala ka ring nikatiting na karapatan upang laitin ang mga nasa ibaba. Dahil minsan ka ring naging nasa ibaba, at ikaw mismo ay alam mo ang pakiramdam ng nilalait. Pakatandaan natin na hindi lahat ng kritisismong natatanggap natin ay masama ang epekto sa atin. Kung positibo ang iyong pananaw, ang kritisismong natatanggap ay maaaring maging dahilan din upang tayo ay maging mas mabubuting tao sa lipunan. xo
No comments:
Post a Comment